Thursday, October 15, 2009

Ikaw pala, Pepeng...

Noong nakaraang linggo lang nakapagsulat ako tungkol sa mga nasalanta dahil sa bagyong Ondoy. Ginawa ko yun upang kahit papaano ay bigyan ng pag-asa ang mga taong naapektuhan nito. Hindi ko alam ang bagyong Pepeng pala ang babayo sa pamilya ko sa norte.

Oktubre 9,2009; ito na yata ang petsa na hindi ko makakalimutan sa buong buhay ko. 7:30 ng umaga ng araw na iyon tumawag kami sa tiyahin ko upang sabihin na hindi na namin itutuloy ang pag-uwi sa La Union upang dumalo sa kaarawan ng dalawang pinsan ko. Ngunit bago pa man magsalita ang Mama ko, umiiyak na daw ang tiyahin ko. Yun pala, naanod ng baha ang 31 alagang baboy ng pinsan ko na ginagamit nya bilang pangkabuhayan. Naalarma kami sa nangyari. Nagsimula na ako magtanong sa iba pang kaamg-anak ko tungkol sa nangyari. Bukod pala sa pinsan ko, nasalanta din ang iba ko pang kamag-anak na nasa iba pang barangay. Binaha din ang iba ko pang kamag-anak na malapit sa ilog. Tama ba naman kasi na magsanib pwersa ang ilog at sapa kaya hayun, nagmistulang dagat ang bahagi ng Naguilian Road na kung iisipin ay isang National Highway. Ang bahay naman ng lolo't lola ko sa isa pang barangay ay binaha din. Hanggang tuhod sa bakod, hangggang tuhod naman sa loob ng bahay. Kinakailangan nilang lumikas sa isang mataas na lugar iyon ay sa kabutihang palad ng kanilang katapat na bahay. Halos lahat ng kamg-anak ko binaha. Ang ipinag papasalamat ko na lamang ay hindi landslide ang tumama sa kanila.

Noong araw din na iyon humingi na ako ng tulong sa mga nakakataas at nakakaalam kung ano ang nararapat na gawin. Maraming tumugon sa panawagan ko. Salamat sa kanilang mabubuting loob at nagawang puntahan ang aming lugar at ihayag ang sitwasyon doon. Nabunutan ako ng tinik nang mapanood ko na sa telebisyon ang sitwasyon sa aking mahal na probinsya. Totoong kalunus-lunos ang naging kalagayan nila doon. Maputik na at tapos na ang landslide sa ibang lugar nang sila ay mapuntahan. Naiintindihan ko naman kung bakit walang nakaka-abot sa lugar namin sa kadahilanang hindi na madaanan ang Pangasinan dahil nagmistula na rin itong dagat. Magmula noon ay nagbigyang pansin na rin ang lugar na aking sinilangan.

Mahal ko ang La Union. Doon ako isinilang (sa San Fernando), taga doon din ang parehong magulang at naroon lahat ng pinakamamahal kong tao. Kaya ganoon na lamang ang pag-aalala ko noong araw na iyon. Sobrang naawa ako sa sinapit nito. Pero ganoon pa man, katulad nga ng lagi kong sinasabi, may pag-asa pa rin. Bangon lang. Agkararag tayo laeng ken Apo Diyos.

Gusto ko lang ipaabot ang aking taos-pusong kong pasasalamat sa mga taong ito:
  • Kristel Lee
  • Mr. Jim Paredes
  • Mr. Manuel L. Quezon III
  • Ms. Sarah
  • Cindy Yap
  • GMA 7 News
  • Ms. Ruth Cabal
Maraming, maraming Salamat!

No comments:

Post a Comment